CAUAYAN CITY – Inihayag ng Department of Health o DOH Region 2 na wala pang naitatalang kaso ng MPox sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mar Wynn Bello, Assistant Regional Director ng DOH Region 2 sinabi niya na tanging sa NCR pa lamang ang may naitalang kaso ng MPox at sa ngayon ay mahigpit ang kanilang monitoring upang hindi makapasok sa rehiyon ang nasabing sakit.
Aniya tinututukan nila ngayon ang mga pangunahing seaports at paliparan.
Ayon sa kagawaran ng kalusugan, hindi nakamamatay ang mpox variant na nasa Pilipinas na tinawag nilang mpox Clade II.
Ang mpox virus ay mayroong dalawang variant, ang Clade I at Clade II. Ayon sa National Institute of Allergy and Infectious Diseases, lubhang mas mapaminsala ang Clade I kumpara sa Clade II. Dagdag nito ang Clade I ay ang virus na siyang puminsala at kumitil ng buhay sa Democratic Republic of Congo na nagtala ng 18,910 na kaso kung saan 541 ang namatay.
Samantala, ang kasalukuyang variant namang nasa bansa ay ang mild Clade II at hindi nagdudulot ng fatality rate. Bagaman ayon sa Centers for Disease and Control Prevention ang Clade II ay ang variant na kumalat noong 2022.
Kaugnay nito, patuloy pa ring pinag-iingat ng DOH ang publiko sa karaniwang posibleng sintomas nito katulad na lamang ng pangangati, pagkakaroon ng paltos sa loob at labas na bahagi ng katawan at pananakit ng buong katawan.