CAUAYAN CITY – Binawian na ng buhay ang isang Ginang na sangkot sa aksidente sa San Mariano, Isabela
Matatandaan na sugatan ang nasa limang katao matapos bumaliktad ang sinakyan nilang elf truck na may kargang saku-sakong mais sa Brgy. Macayucayu, San Mariano.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang naturang sasakyan na minamaneho ni Jojo Casuela ay patungo sana sa town proper ng San Mariano para ibenta ang mga karga nitong mais.
Nang makarating sa pababang bahagi ng daan ay nawalan umano ng preno ang sasakyan dahilan upang matumba ang truck at madaganan ng saku-sakong mais ang mga lulan nitong estudyante.
Hindi bababa sa limang katao ang nasugatan at ang isa ay nawalan ng malay bunsod ng malubhang sugat na natamo nito sa kaniyang ulo habang hindi naman nasaktan ang iba.
Binawian na ng buhay ang isa sa mga biktima na kinilalang si Marites Germinal, 44-anyos at residente ng Barangay Buyasan, San Mariano, Isabela.
Napag-alaman na tumalon umano ang biktima nang makita nito na tatagilid na ang kanilang sasakyan.
Pagkatalon umano nito ay nawalan siya ng balanse at tumama ang ulo nito sa semento.
Nagbigay naman na ng paunang tulong ang tsuper ng truck sa mga biktima.