Umabot sa mahigit 1500 ang kalahok sa 60th Senior/Cadet at 48th Junior Regional Camps ng Girl Scout of the Philippines o GSP Regional North Luzon na pormal na binuksan kahapon sa Upi Gamu, Isabela.
Ang mga Girl Scout na kabilang sa programa ay mula sa Region 1, 2 at Cordillera Administrative Region (CAR) partikular sa Abra, Baguio, Batanes, Benguet, Cagayan, Dagupan, Ifugao, Ilocos Norte- Laoag, Ilocos Sur, Isabela, Kalinga Apayao, La Union, Nueva Vizcaya, Pangasinan, at Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ms. Precious Joyce Alzate, GSP Northern Luzon Alternate Girl Representative, matagal na pinaghandaan ang naturang programa dahil ito ang unang pagkakataon na sa lalawigan ng Isabela isasagawa ang Regional Camp.
Sa katunayan aniya ay tinipon na ang mga participants noong Lunes, kahit kahapon palang ang pag-uumpisa ng programa.
Well-coordinated naman at napaghandaan na lahat ng mga posibleng mangyari dahil nakipag-ugnayan sila sa mga Rescue team at sa Philippine Army.
Ilan lamang sa kanilang naging problema sa unang araw ng aktibidad ay ang matutulugan ng mga participants at maging ang comfort room.
Sa kabila ng kanilang nakitang problema ay alam nilang magtatagumpay ang apat na araw na aktibidad na ito.
Napakahalaga aniyang mapagdaanan ng mga estudyante ang GSP bilang paghahanda na rin sa kanilang mga kahaharaping pagsubok sa buhay.
Dagdag pa nito, bilang women’s month ngayon ay tiyak na mabibigyan ng halaga ang mga kababaihan at matuturuan ang mga Girl Scout kung paano magsurvive sa kanilang buhay.