Iniulat ng Office of the Civil Defense (OCD) ngayong Sabado na tatlong katao ang nawawala sa gitna ng pananalasa ng bagyong Crising at habagat sa bansa.
Ayon kay OCD Administrator Undersecretary Rafaelito Alejandro IV, dalawang nawawalang indibidwal ay mula sa Antique. Naanod umano sila ng rumaragasang baha patungong dagat habang mahimbing na natutulog sa kanilang mga tahanan, dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Samantala, isang residente ng Palawan ang napaulat na nawawala matapos pumalaot sa dagat sa kabila ng masamang lagay ng panahon.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang beripikasyon ng OCD sa mga ulat ng pagkawala.
Batay sa pinakahuling monitoring ng ahensiya, umabot na sa mahigit 215,000 katao mula sa 495 barangay ang naapektuhan ng sama ng panahon karamihan sa mga ito ay mula sa Negros Island Region at Panay.
Source via Bombo Radyo Philippines











