--Ads--

Umabot na sa 29,960 pamilya o 103,001 indibidwal ang apektado ng Tropical Depression Wilma sa Eastern Visayas, ayon sa ulat ng  Office of the Civil Defense (OCD) Region 8.

Mula sa nabanggit na datos, mahigit 3,164 pamilya o 9,614 katao ang isinailalim sa preemptive evacuation dahil sa banta ng pagbaha.

Sa isang panayam sinabi ni OCD Region 8 OIC Director Rey Gozon na hindi pa pinapayuhang umuwi ang mga evacuees hangga’t hindi pa tiyak ang kanilang kaligtasan at kung wala nang malakas na ulang paparating.

Patuloy din ang preemptive evacuation sa mga lugar na flood at landslide-prone.

--Ads--

Pinaalalahanan ng OCD ang publiko na bawal muna ang paglalayag at iba pang water activities habang nararanasan ang masamang panahon.

Sa Eastern Samar, ilang bayan gaya ng General MacArthur at Llorente ang nakaranas ng bahang umabot hanggang tuhod dahil sa pag-apaw ng ilog, ngunit karamihan ay nagsimula nang humupa.

May naiulat ding pagbaha sa Legazpi City, Albay; Garchitorena, Camarines Sur; at ilang insidente ng landslide sa Cebu at Tawi-Tawi kung saan may mga inilikas na residente.

Patuloy na inaabisuhan ang publiko na sundin ang mga kautusan ng awtoridad para sa kanilang kaligtasan.