Nahuli na ng mga pulis ang hinihinalang gunman sa brutal na pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr., na ang bangkay ay natagpuan na nakabaon sa isang septic tank sa Felicisima Village, Barangay Mojon, Malolos City, Bulacan noong Enero 24.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Julian “Mon” Salamat, isang Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) asset, na diumano’y siya mismo ang bumaril at pumatay kay Casauay.
Ayon sa ulat, sumuko si Salamat sa PNP Tagum Intelligence Unit sa Tagum City, Davao del Norte ngayong Miyerkules ng umaga, matapos ilabas ang P1 milyong pabuya na iniaalok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa impormasyon na magtuturo sa kanyang kinaroroonan.
Kasama rin sa naaresto ang dalawang iba pang suspek na sumuko sa Bulacan Provincial Intelligence Unit, na tinulungan pa ng kanilang mga magulang. Ang motorsiklo ni Casauay ay narekober sa bahay ng isa pang suspek na si alyas “Jaco,” at ilan pang kasabwat ay nauna nang nakulong.
Si Casauay ay miyembro ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) at naiulat na pinatay matapos na sumama sa isang operasyon sa nasabing lugar.











