Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek sa pananaga sa isang lalaki sa Barangay San Antonio, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa Cauayan City Police Station, naganap ang pag-aresto dakong alas-10 ng umaga nitong Biyernes, Pebrero 6 sa San Placido, Roxas, Isabela.
Matatandaan na nitong Pebrero 3 ay nasawi si Marvin Garcia matapos tagain ng kainuman nitong si Felino Valdos dahil sa umano’y biruan na hindi nagustuhan ng suspek.
Bago ang araw ng pag-aresto ay tumawag umano ang suspek sa isa nitong kakilala na siyang nag-ulat ng impormasyon sa Pulisya hinggil sa kaniyang kinaroroonan dahilan upang magsagawa ng hot-pursuit operation ang mga awtoridad.
Kusa naman itong sumama sa mga awtoridad at ngayo’y nasa himpilan na ng Pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Sa pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa suspek, sinabi nito na hindi na umano niya namalayan na nataga niya ang biktima matapos magdilim ang kaniyang paningin bunsod ng umano’y pambu-bully sa kaniya.
Dahil dito ay hindi na siya nakapag-isip ng maayos dahilan upang ito’y mauwi sa pananaga na nagresulta sa pagkasawi ng biktima.
Nagpapatuloy naman ang pagsisiyasat ng mga kapulisan hinggil sa naturang insidente.











