--Ads--

Kasalukuyan nang ipinapatayo ang footbridge at bridge approach sa Barangay Patul, Santiago City bilang tugon sa layuning mapabuti at masiguro ang kaligtasan ng mga araw-araw na tumatawid sa lugar, lalo na ang mga estudyante.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engineer Rasmin Saldaen, project engineer ng nasabing proyekto, sinabi niyang idinisenyo ang footbridge upang maging matibay at tumugon sa pangangailangan ng komunidad, partikular ng mga estudyante, manggagawa, at matatanda.

Aniya, isinasaalang-alang sa disenyo ang tamang sukat, kalidad ng mga materyales, at mahigpit na pagsunod sa mga pamantayan ng kaligtasan.

Gayunman, nilinaw ng inhinyero na ang istruktura ay hindi idinisenyo para sa mabibigat na sasakyan sapagkat para lamang ito sa mga pedestrian.

--Ads--

Sa kabila nito, iginiit niyang malaking tulong ang proyekto, lalo na sa mga residenteng napipilitang tumawid mismo sa ilog upang makarating sa palengke, paaralan, at iba pang mahahalagang destinasyon.

Batay sa ulat ng proyekto, tinatayang aabutin ng humigit-kumulang 240 araw ang konstruksyon bago ito tuluyang matapos.

Dagdag pa niya, kumpiyansa ang project management team na matatapos ang proyekto sa loob ng itinakdang panahon, maliban na lamang kung magkaroon ng mga hindi inaasahang aberya gaya ng masamang panahon o pagkaantala sa suplay ng mga materyales.

Ang konstruksyon ng footbridge at bridge approach ay pinondohan ng lokal na pamahalaan na nagkakahalaga ng ₱16,825,435.

Samantala, nagpahayag naman ng kasiyahan ang mga opisyal ng Barangay Patul sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ben Mapalad, admin ng barangay, sinabi niyang matagal nang hinihintay ng komunidad ang footbridge, lalo na tuwing masama ang lagay ng panahon na nagdudulot ng panganib sa mga residenteng tumatawid sa ilog.

Samantala, labis ang galak ng mga residente nang malaman na magkakaroon na ng footbridge sa kanilang barangay. Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jimmielyn Tacmo, sinabi niyang hindi na mahihirapan ang mga bata na pumasok sa paaralan araw-araw dahil mas ligtas na ang kanilang dadaanan at hindi na nila kailangang umikot pa sa bukirin upang makatawid.

Aniya, umaabot mula lagpas tuhod hanggang baywang ang lalim ng tubig sa ilog tuwing masama ang panahon.

Patuloy naman na tinututukan ng pamahalaang barangay ng Patul ang progreso ng proyekto. Araw-araw itong mino-monitor upang matiyak na matatapos sa itinakdang panahon.