Umaasa ang Anti-Mining Group/Advocates sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, na magkakaroon ng konkretong solusyon sa problema ng mga residente kaugnay ng pagpasok ng mining company sa pagsisimula ng Kongreso at Senado ng hearing tungkol sa isyu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Florentino Daynos, lider ng grupo, malaki ang maitutulong ng hearing upang mailantad ang umano’y mga paglabag at pang-aabuso ng Woggle Corporation, na naglalayong ipilit ang pagmimina sa Brgy. Bitnong, Dupax del Norte.
Sa pamamagitan ng pagdinig, inaasahan din nilang maipakita ang umano’y pagbalewala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa kanilang paninindigan na pigilan ang pagmimina sa lugar.
Sa kasalukuyan, wala pa aniyang imbitasyon para sa kanilang grupo na dumalo sa hearing upang maibahagi ang kanilang panig, kabilang ang kakulangan ng konsultasyon sa mga residente bago nagsimula ang mining exploration.
Batay sa impormasyon ng grupo, tila pinanghihinaan na ng loob ang General Manager ng kumpanya na ituloy ang kanilang plano, kaya umaasa rin sila na tuluyan nang itigil ang proyekto upang mawala na ang pangamba ng mga residente.
Iginiit ni Daynos na ang kanilang ipinaglalaban ay para sa kapakanan ng mga Novo Vizcayano, lalo na ng mga susunod na henerasyon, upang mapanatili ang kalikasan at maiwasan ang pinsalang dulot ng pagmimina.









