--Ads--

isang lalaki ang naaresto dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos na tumugon ang ,mga kasapi ng Bangued Municipal Police Station (MPS) sa isang ulat ng gulo sa Washington Street, Zone 2, Bangued, Abra.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang concerned citizen tungkol sa umano’y kaguluhan sa naturang lugar. Agad na rumesponde ang mga pulis at pagdating sa lugar ay nakita ang suspek na may hawak na baril at tinatangkang ipasok ito sa kanyang bulsa.

Mabilis na nilapitan ng mga pulis ang suspek at nakumpiska mula sa kanya ang isang Caliber .22 Beretta pistol na may bala sa chamber. Nang hingan ng kaukulang dokumento para sa legal na pagmamay-ari ng baril, nabigo ang suspek na magpakita ng anumang papeles kaya’t agad siyang inaresto.

Sa isinagawang masusing paghalughog sa sling bag ng suspek, nakarekober pa ang mga pulis ng apat (4) na buhay na bala para sa Caliber .22 at tatlong (3) buhay na bala para sa Caliber .45.

--Ads--

Ang suspek, kasama ng nakumpiskang baril at mga bala, ay nasa kustodiya na ng Bangued MPS para sa tamang dokumentasyon at kakasuhan ng paglabag sa RA 10591.

Itinuturing ng pulisya na tagumpay ang mabilis na aksyon na ito bilang patunay ng kanilang kahandaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.