--Ads--

Sinimulan sa isang hukuman sa California ang landmark trial na naglalayong siyasatin ang epekto ng social media sa mga menor de edad, kung saan inakusahan ang Meta at Google-owned YouTube ng “engineered addiction” o sinadyang pagkaadik sa mga bata.

Ayon sa abogado ng nagrereklamo, idinisenyo ng mga kumpanyang ito ang YouTube at Instagram upang maakit at mapanatili ang atensyon ng mga batang gumagamit, dahil nakikita nilang kapaki-pakinabang ang pagkaadik sa kita ng kumpanya. Binanggit ng abogado na gagamit siya ng ebidensya mula mismo sa mga kumpanya at sa neuroscience studies upang ipakita kung bakit hindi basta puwedeng sabihing itigil na lang ng bata ang paggamit ng mga platform na ito.

Isa sa pangunahing kaso sa trial ay ang reklamo ng isang 20-anyos na babae na nakilala bilang Kayley G.M., na umano’y nakaranas ng malubhang pinsala sa pag-iisip dahil sa pagkaadik sa social media noong siya ay bata pa. Ayon sa kanyang reklamo, nagdulot ito ng matinding stress, anxiety, at problema sa pag-iisip, na nagkaroon ng pangmatagalang epekto sa kanyang mental health.

Ipinakita rin sa korte na ang Instagram ay may “endless feed” ng mga filtered na buhay ng ibang tao, na nagpapatuloy sa paghihintay ng social validation mula sa user. Samantala, ang YouTube ay nagpi-play ng susunod na video bago pa makapagdesisyon ang gumagamit na tumigil, gamit ang algorithm na patuloy na nag-aaral kung ano ang nagpapanatili sa atensyon ng user at nagpi-feed ng mas maraming content para mapanatiling nakakonekta sa platform.

--Ads--

Ang trial ay itinuturing na mahalaga dahil puwedeng magtakda ito ng precedent sa pananagutan ng mga social media companies sa kalusugan ng mga kabataan at sa pagdidisenyo ng kanilang mga produkto para sa maximum engagement.