Pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) ang libreng pananatili sa hospital wards para sa mga direct contributors ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), kasunod ng planong palawakin ang zero-balance billing sa mga ospital ng ahensiya.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, maglalabas ito ng Department Memorandum Circular na mag-uutos sa lahat ng DOH hospitals na magbigay ng libreng hospital accommodation sa mga PhilHealth direct contributors na maa-admit sa pay wards o shared rooms.
Saklaw ng panukala ang paglalaan ng hiwalay na lugar para sa mga direct contributors na may mas maayos na pasilidad, kabilang ang air-conditioned na mga kuwarto.
Layunin ng hakbang na magbigay ng dagdag na benepisyo sa mga manggagawang regular na nagbabayad ng PhilHealth contributions.
Sa kasalukuyan, ang zero-balance billing program ay nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga pasyenteng naka-admit sa basic wards ng mga pampublikong ospital.











