Ipinasara ng mga awtoridad sa Iran ang ilang pribadong negosyo kasunod ng marahas na kilos protesta noong nakaraang buwan, sa gitna ng patuloy na pagbagsak ng ekonomiya at tensyon sa diplomasya laban sa Estados Unidos.
Hindi nagbigay ng malinaw na paliwanag kung bakit ipinasara ang mga negosyo, karamihan ay mga paboritong tambayan ng kabataan sa Tehran. Marami sa mga ito ang nakilahok sa welga o nagpakita ng suporta sa protesta sa pamamagitan ng social media.
Mahigit sa ilang dosenang maliliit na negosyo gaya ng mga kainan, café, art gallery, at ice cream shop ang ipinasara ng pulisya. Ayon sa mga abiso sa kanilang social media, lumabag umano ang mga ito sa regulasyon ng bansa.
Ayon sa pamahalaan ng Iran, 3,117 katao ang nasawi sa protesta at isinisi ito sa mga “terorista” at “rioters” na umano’y sinuportahan ng US at Israel. Subalit ayon sa United Nations at mga grupo ng karapatang pantao, mas mataas ang bilang ng nasawi, kabilang ang mga bata, at may ulat ng pag-atake sa mga ospital at pag-aresto sa mga medical personnel.
Batay sa tala ng Human Rights Activists News Agency, umabot na sa 6,964 ang kumpirmadong nasawi at mahigit 11,730 kaso pa ang iniimbestigahan. Ayon kay UN Special Rapporteur Mai Sato, posibleng higit sa 20,000 sibilyan ang napatay, ngunit limitado ang impormasyon dahil sa mahigpit na internet filtering ng estado.











