Natagpuang buhay ang anim na backcountry skiers habang patuloy ang paghahanap sa 10 iba pa matapos ang pagguho ng niyebe (avalanche) sa hilagang bahagi ng California noong Martes, kasabay ng malakas na winter storm na tumatama sa estado.
Rumesponde ang search and rescue teams sa Castle Peak, hilagang-kanluran ng Lake Tahoe, matapos may tumawag sa 911 upang iulat na may mga taong natabunan ng niyebe. Ayon kay Ashley Quadros, tagapagsalita ng Nevada County Sheriff’s Office, natanggap nila ang tawag bandang 11:30 ng umaga.
Agad na nagpadala ng mga tauhan ang sheriff’s office ng Search & Rescue team, at mga crew mula sa California Department of Forestry and Fire Protection upang magsagawa ng malawakang paghahanap sa nasabing lugar.
Samantala, patuloy na nararanasan ang snowstorm sa California, na may dalang mapanganib na thunderstorms, malalakas na hangin, at makapal na pag-ulan ng niyebe sa mga bulubunduking lugar.
Ayon sa Sierra Avalanche Center na nakabase sa Truckee, mataas ang panganib ng avalanche sa backcountry areas ng Central Sierra Nevada, kabilang ang Greater Lake Tahoe region, at inaasahang magpapatuloy ito hanggang Miyerkules. Dahil dito, ilang ski resorts sa paligid ng Lake Tahoe ang pansamantalang nagsara.
Ang mapanganib na kondisyon ay dulot ng mabilis na pagdami ng niyebe, paghina ng mga patong ng snowpacks, at malalakas na hangin. Gayunpaman, mas mababa umano ang panganib sa mga ski area at highway na mayroong avalanche mitigation programs.
Ang Castle Peak, na may taas na 9,110ft. (2,777 metro) sa Donner Summit area ng Sierra Nevada, ay kilalang destinasyon ng backcountry skiing. Sa kalapit na bayan ng Soda Springs, umabot sa hindi bababa sa 30 inches (76 sentimetro) ng niyebe ang bumagsak sa loob lamang ng 24 oras, ayon sa Soda Springs Mountain Resort.
Nagbabala rin ang mga forecaster na maaaring umabot sa hanggang 8ft. (2.4 metro) ng niyebe sa kanlurang bahagi ng Sierra Nevada sa southern Shasta County, kabilang ang ilang bahagi ng Interstate 5, bago tuluyang humina ang storm pagsapit ng Miyerkules.
Dulot ng sama ng panahon, pansamantalang itinigil ang daloy ng trapiko sa magkasalungat na direksyon ng Interstate 80 malapit sa border ng Nevada dahil sa mga aksidente at pag-spinout ng mga sasakyan, ayon sa California Department of Transportation.
Noong Enero, isang snowmobiler ang nasawi matapos matabunan ng avalanche sa parehong rehiyon. Taun-taon, tinatayang 25 hanggang 30 katao ang namamatay dahil sa avalanche sa Estados Unidos, ayon sa National Avalanche Center.





