Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi ito nagbigay ng pahintulot upang makalabas ng bansa si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Ito ay matapos sabihin ni Bonoan noong Lunes na nagpaalam siya sa DOJ kaugnay ng kanyang planong pagpunta sa Estados Unidos upang samahan ang kanyang asawa na sasailalim sa isang medical procedure.
Ayon kay Justice Secretary Eric Vida, ang korte ang may kapangyarihang magpasya kung papayagang bumiyahe ang isang indibidwal, lalo na kung ito ay saklaw ng precautionary hold departure order (HDO).
Kinumpirma ni Vida na nagpaabot ng abiso si Bonoan sa DOJ, ngunit iginiit niyang kinakailangan pa rin ang pahintulot ng korte bago ito makalabas ng bansa.
Ipinaliwanag din ni Vida na naghain ang mga prosecutor ng kahilingan sa korte para sa precautionary HDO dahil itinuturing na posibleng flight risk ang mga respondent sa kaso.
Samantala, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na may sapat na batayan ang korte sa paglalabas ng precautionary HDO.
Bukod kay Bonoan, kabilang din sa hindi papayagang makabiyahe palabas ng Pilipinas sina Senador Jinggoy Estrada at dating mga opisyal ng DPWH na sina Roberto Bernardo, Gerard Opulencia, at Henry Alcantara, na pawang mga respondent sa reklamong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects.











