Inanunsyo ng Social Security System na tatanggap ang lahat ng pensioners ng karagdagang 10% sa kanilang buwanang retirement at disability pension simula Setyembre 2026.
Ito ay bahagi ng three-year pension reform program, kung saan makakatanggap ng dagdag na pensyon ang mga miyembro tuwing Setyembre para sa mga taong 2025 hanggang 2027.
Dagdag pa rito, sinabi ni SSS President Robert Joseph de Claro na magkakaroon rin ng 5% increase sa death at survivor pensions ngayong taon. Nilinaw din niya na walang pagbabago sa kontribusyon ng mga miyembro hanggang 2027.
Ayon kay de Claro, matapos ang ikatlong taon, inaasahang tataas ang pensions ng humigit-kumulang 33% para sa retirement at disability pensioners, at 16% naman para sa death at survivorship pensioners.
Tinatayang aabot sa 3.9 milyon ang mga pensioners na makikinabang sa pension hike initiative.
Tiniyak ng SSS na matatag ang kanilang financial performance, kaya’t walang planong pataasin ang kontribusyon ng mga miyembro. Noong 2025, iniulat ng SSS na lumagpas sa P1 trilyon ang reserve fund nito, habang ang kabuuang assets ay lumago ng 22.1%, mula P1.033 trilyon noong 2024, at umabot sa P1.261 trilyon.
Bukod dito, nakapagtala ang pension fund ng pinakamataas na net income sa kasaysayan, na umabot sa P142.97 bilyon, mas mataas ng 58.4% kumpara sa P90.248 bilyon noong 2024. Samantala, ang kabuuang kita ng SSS ay umabot sa P460.61 bilyon, na may 21.4% na taun-taong paglago.











