Nagpahiwatig si US President Donald Trump na maaaring magkaroon ng tinawag niyang “friendly takeover” ng Estados Unidos sa Cuba, at iginiit na bukas umano sa pakikipag-usap ang pamahalaan ng nasabing bansa sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya.
Ayon kay Trump, pinangungunahan ni Secretary of State Marco Rubio ang mga hakbang kaugnay ng isyu. Sinabi rin niyang nahaharap ang Cuba sa kakulangan ng pera, langis at pagkain, at nangangailangan ito ng tulong.
Matagal nang may tensyon ang Estados Unidos at Cuba dahil sa ipinataw na trade embargo ng US mula pa noong dekada 1960. Lalo pa itong tumindi matapos higpitan ng administrasyon ni Trump ang mga restriksyon, kabilang ang pagbabawal sa pagdaloy ng langis mula Venezuela at pagbabanta ng parusa sa mga bansang makikipagkalakalan sa Cuba.
Nagbabala ang United Nations na maaaring humantong sa isang humanitarian collapse ang kakulangan sa suplay ng enerhiya at pangunahing pangangailangan sa isla. Samantala, kinondena naman ng pamahalaan ni Miguel Diaz-Canel ang mga hakbang ng US at iginiit na ipagtatanggol ng Cuba ang soberanya nito laban sa anumang panlabas na panghihimasok.











