Malabong madamay ang Pilipinas sa kasalukuyang tensyon sa Middle East, kahit na kaalyado nito ang Estados Unidos.
Ito ang inihayag ni Dr. Chester Cabalza, Security Analyst at eksperto sa Military Diplomacy, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan.
Ayon kay Cabalza, bagamat may kakayahan ang ilang ballistic missiles na maabot ang mga target sa malalayong distansya, malayo ang Pilipinas mula sa Middle East. Dagdag pa niya, hindi hahayaan ng United States at Israel, bilang mga pangunahing kaalyado ng Pilipinas, na maapektuhan ang bansa sa anumang kaguluhan o direktang pag-atake.
Ipinaliwanag din niya na kahit kaalyado ng Iran ang China, malabong kikilos ang bansa upang umatake sa Pilipinas bilang suporta sa Iran. Ayon sa kanya, mas nakatuon ang China sa sariling interes sa rehiyon, pangunahin sa ekonomiya at mga estratehikong alyansa nito, kaya hindi nito ilalagay ang Pilipinas sa panganib.
Binigyang-diin ni Cabalza na ang kasalukuyang tensyon ay pangunahing nakatuon sa Middle East at wala pang indikasyon na palalawakin ang labanan sa labas ng rehiyon, lalo na sa mga malalayong bansa tulad ng Pilipinas. Dagdag pa niya, may pangamba rin ang ilang bansa na makisali sa gulo dahil sa lakas ng firepower ng Estados Unidos, kabilang ang pagpapadala ng mga aircraft carriers sa rehiyon upang takutin ang mga kalaban at maiwasan ang eskalasyon.
Sa kabila nito, hindi naman ganap na ligtas ang Pilipinas sa iba pang epekto, lalo na sa ekonomiya. Maaaring maramdaman ang epekto sa suplay ng langis, presyo ng petrolyo, foreign investments, at kabuhayan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Ayon kay Cabalza, mahalaga para sa pamahalaan at pribadong sektor na patuloy na subaybayan ang sitwasyon at maghanda para sa mga posibleng epekto sa merkado at sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan.











