Inaprubahan na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform ang panukalang anti-political dynasty bill kung saan nanaig ang bersyon na inihain nina House Speaker Faustino Dy III at Rep. Sandro Marcos.
Sa huling pulong ng komite na pinamumunuan ni Rep. Zia Alonto Adiong noong Martes, Marso 2, inaprubahan ang substitute bill kasunod ng mosyon ni Rep. Keith Flores.
Ayon kay Adiong, in-adopt ng komite ang committee report at inaasahang maipapasa ito sa plenaryo sa susunod na linggo upang maisalang sa deliberasyon at plenary debate, hanggang sa tuluyang pag-apruba sa floor.
Ginamit bilang working bill ang House Bill No. 6671 na inihain nina Dy at Marcos dahil ito ang may pinakamaraming co-authors na umaabot sa mahigit isang daan. Ipinunto ni Adiong na ang dami ng mga co-author ay indikasyon ng malawak na suporta sa bersyong ito, kaya nagpasya ang komite na ito ang gamiting batayan ng substitute bill at committee report.
Ito rin ang naging basehan sa pagbalangkas ng pinal na bersyon na ilalahad sa plenaryo.
Gayunman, nilinaw ni Adiong na may isinagawang pagbabago ang komite sa saklaw ng pagbabawal. Sa halip na fourth degree of consanguinity na nakasaad sa orihinal na bersyon nina Dy at Marcos, nilimitahan ito sa second degree of consanguinity.
Sa ilalim ng panukala, isa lamang sa isang pamilya ang maaaring tumakbo sa loob ng iisang saklaw na teritoryo, mula national positions, miyembro ng Kongreso, gobernador, alkalde hanggang sa barangay level. Subalit hindi ipinagbabawal na tumakbo ang mga magkakapamilya kung sila ay kandidato sa magkakaibang distrito, probinsya, lungsod, o bayan.
Layunin ng panukala na tugunan ang matagal nang isyu ng political dynasty sa bansa at maglatag ng mas malinaw na regulasyon sa pagtakbo ng magkakamag-anak sa halalan.











