Nag-adjust ang mga Pilipino at kanilang employer sa Bahrain kasunod ng missile attack ng Iran sa ilang base militar ng US sa bansa
Ayon kay Bombo International News Correspondent Arnel Sarce, pansamantalang ipinagpaliban ang night shifts at ipinatupad ang shelter-in-place advisory para sa mga residente, lalo na’t kasalukuyan ang Ramadan at maraming trabaho sa gabi.
Malaking tulong rin ang mga rocket sirens at message alerts sa mga cellphone ng mga mamamayan upang maging maagap sa paghahanap ng ligtas na lugar tuwing may banta.
Nasa mabuting kalagayan ang mga Pilipino sa bansa, kahit na tumaas ang tensyon matapos ang serye ng airstrikes at retaliatory missile attacks sa rehiyon. Iniulat na target ng pag-atake ang headquarters ng U.S. Navy’s Fifth Fleet sa Bahrain, na naglalaman ng mga pasilidad at imbakan ng kagamitan.
Sa kabila ng insidente, hindi nagkaroon ng panic buying ng pagkain o iba pang pangangailangan sa komunidad at ilan lamang ang simpleng adjustments sa araw-araw na pamumuhay upang mapanatili ang kaligtasan at maiwasan ang panic sa mga residente.
Samantala, nagpapatuloy ang mga hakbang ng pamahalaan para siguraduhin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa buong Middle East, kabilang ang patuloy na koordinasyon ng embahada, OWWA, DFA, at iba pang ahensya sa host governments para ma-monitor ang sitwasyon, magbigay ng advisory, at tugunan ang mga kahilingan ng mga overseas Filipino workers na nais magparepatriate.











