Iniulat ng National Security Council (NSC) na nadiskubre nito ang isang seryosong usapin sa pambansang seguridad kung saan mismong mga Pilipino ang ginagamit umano ng China upang magsagawa ng mga spy operation sa bansa.
Sa inilabas na pahayag, kinumpirma rin ng NSC ang umiiral na Insider Threat Program na kinabibilangan ng iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan na kasalukuyang humahawak sa nasabing usapin.
Ayon kay NSC spokesman Cornelio Valencia Jr., napatunayan ng pamahalaan ang ulat ng imbestigasyon ng Rappler hinggil sa paniniktik at iba pang mapanirang aktibidad na inuugnay sa People’s Republic of China. Aniya, natukoy at napahinto na ang operasyon ng mga indibidwal na umano’y kumikilos sa utos ng Chinese intelligence.
Hindi muna isiniwalat ng NSC ang pagkakakilanlan ng mga sangkot, pati na ang mga pamamaraan at detalye ng operasyon, upang hindi maapektuhan ang nagpapatuloy na hakbang ng mga awtoridad. Gayunman, sinabi ni Valencia na nagsagawa na ng kaukulang aksyon laban sa mga nasabing indibidwal na pawang mga Pilipino at umamin sa kanilang pagkakasangkot sa mga gawaing paniniktik at nakikipagtulungan na sa mga awtoridad.
Dagdag pa ni Valencia, ang pagkakaaresto sa mga hinihinalang espiya ay resulta ng pinagsanib na operasyon ng iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng Insider Threat Program.











