Nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang grupo ng transportasyon sa harapan ng isang Fuel company sa Metro Manila upang kondenahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mody Floranda, Chairman ng PISTON, sinabi niya na simula noong buwan ng Enero ay nasa 200 pesos kada araw o katumbas ng halos 5,000 pesos kada buwan ang nawawalang kita ng mga drivers at operators.
Aniya, kailangan ding bantayan ng pamahalaan ang mga fuel company na magho-hoard ng produktong petrolyo para maibenta sa mas mahal na presya sa hinaharap.
Ayon kay Floranda, hindi kailangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ng emergency power upang mapababa ang excise tax ng langis dahil batay aniya sa oil deregulation law, kapag umabot sa $80 ang kada barel ng petrolyo ay awtomatikong suspendido ang excise tax.
Kung mayroon man aniyang kailangang gawin ang Pangulo ay maglabas ng Executive Order na magsususpinde sa VAT na makakapagpababa sa presyo ng petrolyo.
Bagama’t makatutulong aniya ang fuel subsidy sa mga drivers at operators, ito ay pansamantala lamang at hindi tiyak na lahat ay nakatatanggap kaya kinakailangan umanong gumawa ng mas konkretong hakbang na hindi lamang sektor ng transportasyon ang nakikinabang kundi ang lahat ng mamamayan lalo’t apektado rin ang presyo ng mga bilihin.











