--Ads--

Nagpahayag ng saloobin ang mga opisyal ng Tagaran, Cauayan City kaugnay ng kawalan ng pedestrian lane sa harap ng isang kolehiyo sa kanilang barangay.

Matatandaan na idinulog sa Bombo Radyo Cauayan ang naturang reklamo, lalo na’t marami ang nangangamba para sa kanilang kaligtasan tuwing tumatawid sa national highway, pangunahin na ang mga estudyante.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Daniel Acob, sinabi niya na kung hindi agad masosolusyunan ang problema matapos itong maisangguni sa Department of Public Works and Highways, sila mismo ang makikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Cauayan upang mabigyan ng agarang aksyon ang isyu.

Dahil hindi pa natatapos ang ginagawang pag-a-aspalto sa naturang daan, pansamantala itong lalagyan ng signages at barikada. Magtatalaga rin ng barangay tanod sa lugar upang gabayan ang mga estudyanteng tatawid habang hinihintay ang paglalagay ng pedestrian lane.

--Ads--

Umaasa ang mga opisyal na magiging mabilis ang hakbang ng mga tanggapang nakakasakop sa naturang usapin, lalo na’t delikado para sa mga estudyante ang pagtawid sa kalsada, lalo na kapag umuulan.