Arestado ang isang barangay kagawad matapos mahuli sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 5, Barangay Mabini, Santiago City bandang alas-2:30 ng hapon nitong Marso 9.
Kinilala ang suspek sa alyas na “CJ,” isang barangay kagawad at residente ng San Mateo, Isabela.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang 0.5 gramo at may halagang ₱3,400, kasama ang buy-bust money, isang aqua blue Infinix Android cellphone, at isang itim at kulay abong Honda Click na motorsiklo na walang plaka.
Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 2 – Quirino Provincial Office sa koordinasyon sa Santiago City Police Office–Police Station 4, City Intelligence Unit at PDEA Special Operations Unit 2.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
--Ads--











