--Ads--

Patuloy na nakaaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan sa Luzon at Visayas. Samantala, ang trough ng Tropical Storm “Nuri” ay nakaaapekto sa silangang bahagi ng Mindanao.

Ngayong umaga, ang Tropical Storm “Nuri” ay nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility, humigit-kumulang 1,290 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hangin na 65 kilometro bawat oras at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro bawat oras, at mabagal itong kumikilos pa-timog-kanluran.

Makakaranas ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa trough ng bagyo. Dahil dito, posible ang flash floods at landslides lalo na kapag lumakas ang ulan.

Sa Batanes, Cagayan, Isabela, at Aurora, inaasahan ang maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan dulot ng Amihan, ngunit walang inaasahang malaking epekto.

--Ads--

Samantala, sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, at Visayas, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may paminsan-minsang mahinang ulan, na dulot pa rin ng Amihan.

Sa iba pang bahagi ng Mindanao, maaaring makaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.