--Ads--

Kasalakuyang nagsasagawa ng 3-day deputation refresher training ang mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) mula sa iba’t ibang bahagi ng Region 2 sa Isabela Convention Center (ICON), Cauayan City, Isabela.

Pinangunahan ang aktibidad ng Land Transportation Office (LTO) Cauayan City upang muling ma-orient at maipaalala sa mga HPG personnel ang mga umiiral na batas trapiko at iba pang alituntunin sa lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rey Sales, Public Information Officer ng HPG Region 2, sinabi niyang bahagi ito ng regular na proseso upang ma-deputize ng LTO ang mga tauhan ng HPG. Mahalaga aniya ang naturang refresher dahil ang kanilang yunit ay tumutulong sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko sa mga kalsada.

Layunin din ng pagsasanay na masukat o ma-assess ang kaalaman ng mga HPG personnel hinggil sa mga umiiral na regulasyon sa lansangan.

--Ads--

Dagdag pa ni PMaj. Sales, bukod sa pagsusulit na kanilang sasagutan ay sasailalim din ang mga kalahok sa actual examination na personal na oobserbahan ng mga kinatawan ng LTO upang matiyak ang kanilang kahandaan sa pagpapatupad ng batas-trapiko.