--Ads--

Tiniyak ng gobyerno ng Iran na nananatiling bukas para sa pandaigdigang kalakalan ang Strait of Hormuz, maliban lamang sa mga sasakyang pandagat na pagmamay-ari ng Estados Unidos at Israel.

Ibinasura ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi ang mga pangamba na tuluyan na nilang isinara ang nasabing lagusan.

Ayon sa opisyal, tanging ang mga oil tanker at iba pang barko na pagmamay-ari o may kaugnayan sa kanilang mga itinuturing na kalaban ang mahigpit na pinagbabawalang maglayag sa naturang karagatan.

Pinahihintulutan pa rin, aniya, ang pagdaan ng lahat ng iba pang klase ng barko na walang kinalaman sa kanilang mga katunggali.

--Ads--

Ang Strait of Hormuz ay isang kritikal na rutang pandagat kung saan dumadaan ang tinatayang 20 porsyento ng suplay ng langis sa buong mundo na nagmumula sa Gulf region.

Matatandaang bago ang paglilinaw na ito, ilang insidente na ng pambobomba sa mga barko ang naitala sa naturang karagatan sa gitna ng umiigting na tensyon sa rehiyon.

Kabilang na rito ang pag-atake sa isang vessel ng Thailand, na kalaunan ay iginiit na walang anumang partisipasyon o kinalaman sa nagaganap na digmaan.