Umabot na sa dalawampu’t isang vehicular accident ang naitala sa Lungsod ng Ilagan ngayong 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal, tagapagsalita ng Ilagan City Police Station, sinabi niya na ang naturang datos ay mas mataas kung ikukumpara sa pito na naitala noong 2025 sa kaparehong panahon.
Aniya, ang nakikita nilang dahilan ng pagtaas ay dahil sa kawalan umano ng disiplina ng mga nagmamaneho maging ang hindi pagsunod sa mga batas-trapiko.
Dahil dito ay patuloy ang isinasagawang information dissemination upang mabigyan ng sapat na kaalaman at kamalayan ang publiko sa kanilang pagbaybay sa mga kakalsadahan.
Nakikipag-ugnayan din sila sa mga magulang at pinaaalalahanan na huwag payagan ang mga menor de edad na anak na magmaneho upang maiwasan ang panganib sa daan.
Samantala, mas pinaigting din ng kanilang hanay ang pag-implementa sa mga city ordinances gaya na lamang ng curfew at pagsawata sa mga gumagamit ng modified mufflers.
Patuloy din ang pakikipag-uganayan nila sa komunidad upang mailapit ang kanilang loob sa kapulisan at mas madaling maiparating ang mga problema na kinahaharap sa kanilang nasasakupan.











