Matapos humataw ng limang sunod na panalo, nahulog ang Creamline sa dalawang dikit na kamalasan na dumiskaril sa kanilang pagpasok sa Qualifying Round ng 2026 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Kaya naman kailangan ng Cool Smashers na manalo sa Cignal Super Spikers mamayang alas-6:30 ng gabi sa FilOil Centre sa San Juan City.
Hindi naglaro sina injured leading scorers Bernadeth Pons at Jema Galanza para sa Cool Smashers habang may sakit si coach Sherwin Meneses.
Bumabandera ang PLDT hawak ang 7-2 baraha sa itaas ng sister team Cignal (6-2), Nxled (5-4), Akari (5-3), Creamline (5-3), Farm Fresh (4-4), Choco Mucho (4-5), Capital1 Solar Energy (3-5), Galeries Tower (2-6) at ZUS Coffee (1-8).
Pasok na sa Qualifying Round ang High Speed Hitters at Super Spikers kung saan lalabanan ng No. 1 team ang No. 4 at sasagupain ng No. 2 ang No. 3 para sa dalawang semifinal spots.
Kumpara sa Cool Smashers, dalawang sunod na panalo ang hinataw ng Super Spikers laban sa Solar Spikers at Thunderbelles.





