Inatasan ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III ang mga alkalde sa lalawigan na bumuo ng price monitoring council na mag-iinspeksyon sa mga stockpile ng mga gasolinahan upang matiyak na walang mananamantala sa nararanasang krisis ng petrolyo sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Albano, sinabi niya na makatutulong ito upang hindi labis na maapektuhan iba’t ibang sektor sa lalawigan gaya na lamang ng mga TODA at mga magsasaka.
Batay sa pakikipag-ugnayan nito sa mga alkalde ay wala pa namang naiulat na mga gasolinahan na hindi nakasunod sa umiiral na panuntunan.
Makikipag-ugnayan din ang pamahalaang panlalawigan sa Department of Trade and Industry upang mapag-usapan ang ilan pa sa magiging papel ng price monitoring council.
Isa sa tinatrabaho ngayon ng Gobernador ay kung paano mapapanatili ang suplay ng langis sa Isabela.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang pamahalaang panlalawigan sa national government para sa ayuda na posibleng maibigay sa mga apektadong sektor.










