Inihayag ni DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na malaki ang maitutulong ng onion cold storage facility bilang imbakan hindi lamang ng sibuyas kundi pati na rin ng iba pang perishable goods, upang mapahaba ang kanilang shelf life at maiwasan ang agarang pagkasira.
Binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Onion Cold Storage at Warehouse sa Barangay Ambatali, Ramon, Isabela ngayong araw na dinaluhan ang aktibidad ng mahigit 200 na magsasaka mula sa iba’t ibang kooperatiba sa lalawigan.
Ayon sa kalihim, makatutulong ang pasilidad na ito na may kapasidad na 20,000 bags, sa mga magsasaka upang mapanatili ang kalidad ng kanilang produkto, lalo na ng mga gulay at prutas na madaling masira kung hindi agad naibebenta.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng cold storage, mababawasan ang post-harvest losses at hindi mapipilitan ang mga producer na ibenta ang kanilang ani sa mababang presyo dahil lamang sa takot na masira ito.
Makakatulong din ang naturang pasilidad sa pagpapatatag ng suplay at presyo ng pagkain sa merkado, lalo na sa panahon ng tag-ani kung saan sobra ang produksyon.
Bahagi ito ng programa ng administrasyon upang palakasin ang food security sa bansa at mapabuti ang kita ng mga lokal na magsasaka at mangingisda.











