Nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang grupo ng mga magsasaka sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA).
Ayon sa mga nagprotesta, nakukulangan sila sa ipinatutupad na hakbang ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na krisis sa langis.
Ipinunto ng grupo na ang halos isang buwang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran ay lalong nagpapalala sa pandaigdigang krisis sa ekonomiya, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Dahil dito, tumaas din ang gastos sa fertilizer at iba pang farm inputs, pati na ang logistics, na may direktang epekto sa produksyon ng pagkain.
Ayon kay Dwight Galang, Secretary General ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), nahihirapan na ang mga magsasaka dahil sa mataas na presyo ng langis, lalo na sa pagpapatubig ng kanilang mga sakahan.
Aniya, hirap na rin silang paandarin ang kanilang mga traktora at grass cutter na umaasa sa produktong petrolyo.











