--Ads--

Isusulong sa Kamara de Representantes ang pagbuo ng panukalang Bayanihan 3 upang patatagin ang economic resiliency ng Pilipinas laban sa bantang dulot ng umiigting na tensyon sa Middle East.

Tatalakayin ang nasabing hakbang sa kauna-unahang pagpupulong ng deca-tri committee ng Mababang Kapulungan.

Pangunahing layunin ng nasabing komite na suriin kung gaano kalawak ang posibleng maging epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan sa pambansang ekonomiya.

Ayon kay Ways and Means Committee Chair Miro Quimbo, mahigpit ang naging direktiba sa kanila ni Speaker Faustino Dy III na tumutok sa pagbalangkas ng mga agaran at pangmatagalang solusyon.

--Ads--


Binigyang-diin ng mambabatas na inatasan silang iwasan ang pulitika at magturuan o magsisihan, at sa halip ay bilisan ang paglatag ng konkretong plano para sa bansa.

Bilang tugon sa atas ng liderato ng Kamara, kinumpirma ni Quimbo na isa sa mga pangunahing solusyon na pinag-aaralan ngayon ng komite ay ang pagpasa ng panibagong bersyon ng Bayanihan.

Gayunpaman, nilinaw ng kongresista na ang balangkas ng isinusulong na Bayanihan 3 ay may malaking pagkakaiba kumpara sa mga naunang Bayanihan Laws na ipinatupad ng pamahalaan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Kung ang mga naunang batas ay nakasentro sa pagbibigay ng tulong-pinansyal o ayuda sa mga apektadong sektor, ang bagong bersyon ay nakatutok sa pagpapalakas ng kabuuang economic resiliency ng bansa.

Iginiit ni Quimbo na ang pangunahing layunin ng panukala ay magsilbing pangmatagalang panangga.

Titiyakin umano nito na hindi basta-basta mapapadapa ang ekonomiya ng Pilipinas kahit pa dumanas ang bansa ng mga panibagong krisis na nag-uugat sa mga panlabas na salik o tensyon sa hinaharap.