Nanawagan si Rep. Leila de Lima ng Makabayan Liberal (ML) Party-list na palawakin at palakasin ang service contracting program para sa pampublikong transportasyon upang masiguro ang tuloy-tuloy na kita ng mga drayber at maayos na serbisyo sa mga commuter sa kabila ng tumataas na presyo ng krudo.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 913, hinihikayat ni De Lima ang DILG, DOTr, at LTFRB na muling suriin ang programa, tugunan ang mga kakulangan sa implementasyon, at ayusin ang mga operational na hamon. Layunin nito na maging inklusibo ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng transportasyon at maisakatuparan nang maayos sa buong bansa.
Ayon kay De Lima, maraming drayber ang napipilitang tumigil sa pamamasada dahil sa mataas na gastos sa krudo, habang ang iba naman ay halos walang kinikita. Aniya, kinakailangan ang agarang aksyon ng pamahalaan, at napatunayan nang epektibo ang service contracting bilang subsidiya para sa mga drayber at pasahero.
Sa ilalim ng programa, binabayaran ang mga drayber batay sa tinakbong kilometro at performance incentives, anuman ang dami ng pasahero. Bukod dito, nakakatulong ito upang hikayatin ang paggamit ng pampublikong sasakyan at mabawasan ang konsumo sa krudo.
Iminungkahi rin ng mambabatas ang pagsuspinde ng VAT sa petrolyo, pagrepaso sa Oil Deregulation Law, at pagbibigay ng regular na subsidiya sa mga apektadong sektor.











