--Ads--

Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na matutuloy ang Palarong Pambansa 2026 na nakatakdang idaos mula Mayo 24 hanggang 31, sa kabila ng mga espekulasyon ukol sa posibleng kanselasyon dulot ng state of energy emergency sa bansa.

Ayon kay Governor Santiago B. Cane Jr., hindi magiging hadlang ang kasalukuyang sitwasyon upang maisagawa ang pambansang palaro. Iginiit niya na handa ang lokal na pamahalaan, katuwang ang DepEd, na tiyaking magiging maayos at matagumpay ang naturang kaganapan.

Ang pinal na anunsyo ay kasunod ng isinagawang First National Technical Conference noong Marso 30-31, kung saan tinalakay ng mga kinauukulan ang iba’t ibang aspeto ng paghahanda gaya ng logistics, matutuluyan ng mga atleta, transportasyon, badyet, at kahandaan ng mga pasilidad.

Inilahad din sa pulong ang kabuuang balangkas ng palaro, iskedyul ng mga kompetisyon, at ang opisyal na logo ng Palarong Pambansa 2026. Binigyang-diin na tanging mga kwalipikadong atleta lamang ang maaaring lumahok batay sa pamantayan ng National Sports Associations Council.

--Ads--

Bahagi rin ng paghahanda ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad at proteksyon para sa mga kalahok. Itatatag ang Disciplinary Committee at Learner Rights and Protection Desks upang pangalagaan ang kapakanan ng mga estudyanteng atleta. Magkakaroon din ng health at sanitation protocols, habang tutulong ang kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan.

Bukod dito, gagamit ng makabagong ICT systems para sa mas mabilis at episyenteng pamamahala ng resulta at iskedyul ng mga laro. Tiniyak din ng Food Supplies Committee ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng pagkain para sa lahat ng delegado.

Sa kabuuan, nananatiling determinado ang mga organizer na maidaos ang isang ligtas, organisado, at de-kalidad na Palarong Pambansa 2026 bilang simbolo ng husay at pagkakaisa ng kabataang Pilipino.