Hinimok ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na gamitin na lamang bilang karagdagang ayuda sa mga apektadong sektor ang daan-daang milyong piso na naibalik mula sa anomalya sa flood control projects.
Ayon sa kanya, kulang pa rin ang natanggap na tulong at hindi lahat ng public utility vehicle (PUV) driver ang nakikinabang dahil sa kakulangan ng pondo.
Ani Diokno, umabot na sa P611 milyon ang naibalik ng mga sangkot sa scam, kabilang sina dating DPWH Undersecretary Roberto Bernando at dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara.
Mula sa halagang ito, P290 milyon ay mula kay Bernando, P110 milyon kay Alcantara, at ang natitira ay mula sa iba pang sangkot sa anomalya.
Dagdag pa niya, mas makabubuting gamitin agad ang naibalik na pondo para sa agarang pagtugon sa krisis. Sa gitna ng mataas na presyo ng langis, maaari itong pondohan ang service contracting para sa pampublikong transportasyon, na magbibigay ng direktang benepisyo sa mga jeepney driver batay sa serbisyong kanilang ibinibigay at magtitiyak ng tuloy-tuloy at maayos na biyahe para sa mga pasahero.
Aniya, kung pera ng taumbayan ang naibalik, nararapat lamang na maibalik din ito sa anyo ng serbisyong mararamdaman ng publiko sa araw-araw.











