Nasawi ang isang lalaki matapos malunod sa Cagayan River makaraang tangayin ng malakas na agos sa bahagi ng Brgy. Calaccab, Angadanan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCAPT. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sinabi niyang kinilala ang biktima na si alyas John, nasa hustong gulang, binata at residente ng Brgy. Mabuhay, Echague, Isabela.
Ayon kay PCapt. Topinio, naganap ang insidente dakong alas-2:35 ng hapon noong Abril 4, 2026 ngunit naipagbigay-alam lamang sa pulisya bandang alas-5:00 ng hapon ng parehong araw.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-iinuman ang biktima kasama ang kanyang mga kamag-anak sa pampang ng ilog nang brgy. Mabuhay nang magpasya itong tumawid sa kabilang pampang ng Brgy. Calaccab kasama ang isang kasama na si alyas Ronald. .
Subalit habang papalapit na sa pampang ay bigla na lamang umanong nawala sa paningin ang dalawa. Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga barangay officials at mga kaanak kung saan nailigtas si alyas Ronald, ngunit hindi na narekober ang isa pang biktima.
Samantala, kinabukasan, Abril 5, dakong alas-8:15 ng umaga ay natagpuan ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa bahagi ng Brgy. Allangigan, Angadanan.
Ayon naman sa pulisya, positibong kinilala ng ama ng biktima ang kanyang bangkay at nakumpirmang ito ang parehong indibidwal na nalunod noong nakaraang araw.
Sa ngayon, nakipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa forensic unit sa Cauayan City para sa karagdagang imbestigasyon at pagsusuri sa bangkay ng biktima.
Samantala, nasawi rin ang isang 37-anyos na lalaki na una nang naiulat na nawawala matapos malunod sa bahagi ng Magat River sa Barangay Mallalatang Tungui, Reina Mercedes, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Provincial Police Office (IPPO), kinilala ang biktima na isang person with disability (PWD) na may kapansanan sa pandinig at pagsasalita at umano’y may epilepsy.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-3:40 ng hapon noong Abril 5, 2026 nang magtungo sa ilog ang biktima.
Ayon kay PCapt. Topinio, hinubad nito ang kanyang pang-itaas at bigla na lamang lumusong sa tubig. Sinubukan pa umano siyang pigilan ng kanyang kapatid, subalit nagpatuloy pa rin ito dahil maaaring hindi niya ito narinig, hanggang sa tuluyang malubog dahil sa malakas na agos ng ilog.
Aniya, huling namataang nagpupumiglas ang biktima bago ito tuluyang nawala sa paningin.
Agad naman itong iniulat sa mga awtoridad bandang alas-4:10 ng hapon na siyang nagbunsod sa isinagawang search and rescue operation ng pinagsanib na puwersa ng PNP at MDRRMO.
Dagdag pa ng opisyal, bandang alas-9:50 ng umaga nitong Abril 6 ay natagpuan ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa nasabing ilog. Kinumpirma ang pagkakakilanlan nito ng kanyang kapatid.
Kasunod nito, dinala ang bangkay sa Rural Health Unit ng Reina Mercedes para sa pormal na deklarasyon ng pagkamatay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.











