--Ads--

Isang bagong silang na sanggol ang iniwan sa loob ng palikuran ng isang sari-sari store sa Brgy. Antutot, Kasibu, Nueva Vizcaya nitong tanghali ng Linggo, Abril 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Lloyd Guillermo, Chief of Police ng Kasibu PNP, sinabi nito na ang sanggol ay nadiskubre ng isang Barangay Disaster Responder (BDR) na nagtungo lamang sa naturang tindahan upang maki-CR.

Batay sa imbestigasyon, tumambad sa babae ang sanggol na nakahandusay sa sahig ng palikuran, may mga bakas ng dugo at sariwa pa ang umbilical cord—palatandaan na bagong panganak lamang ito. Napag-alaman din na may nakabalot sa leeg at bunganga ng sanggol.

Agad na ipinaalam ng nakadiskubre sa may-ari ng tindahan ang insidente na siyang nag-udyok sa agarang pagresponde ng pulisya, barangay officials at MDRRMO.

--Ads--

Dinala ang sanggol sa Kasibu Municipal Hospital kung saan ito binigyan ng agarang lunas, habang nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa wastong pangangalaga sa bata.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan kabilang ang backtracking upang matukoy ang posibleng nag-iwan sa sanggol, habang kinukunan na rin ng pahayag ang mga saksi sa insidente.