Iginiit ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) na sinubukan muna ng mga pulis na maresolba sa pamamagitan ng diyalogo at negosasyon ang pagharang sa mga sasakyang may kargang fuel at suplay sa anti-mining barricade sa Barangay Pacquet, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PCol. Paul T. Bometivo, Provincial Director ng NVPPO, sinabi nitong ilang ulit umanong hinikayat ng mga pulis ang mga nasa barricade na kusang alisin ang harang upang mapanatili ang mapayapang sitwasyon.
Gayunman, nagpatuloy umano ang obstruction at tumigil na rin sa pakikipag-usap ang mga nasa lugar.
Dahil dito, napilitan umanong magsagawa ng pag-aresto ang mga awtoridad matapos ang mga kilos na sinasabing lumabag sa batas.
Samantala, lima umanong PNP personnel ang nagtamo ng minor injuries habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Binigyang-diin naman ni PCol. Bometivo na kinikilala ng PNP ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang pagtutol sa pagmimina, ngunit dapat umano itong isagawa sa loob ng itinakda ng batas.
Kasabay nito, nilinaw din ng NVPPO ang isang larawang kumalat online na iniuugnay sa insidente, na hindi umano kuha sa Kasibu kundi mula sa isang naunang insidente sa ibang lugar sa Nueva Vizcaya.
Nanawagan ang PNP sa publiko na tiyaking beripikado ang pinagmulan, petsa at konteksto ng mga larawan at video bago magbahagi o bumuo ng konklusyon.
Iginiit ni Pcol. Bometivo na mananatiling nakatuon ang NVPPO sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagpapatupad ng batas at paggalang sa karapatang pantao.









