--Ads--

Nasawi ang isang motorcycle rider matapos makasalpukan ang isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Santiago–Tuguegarao Road sa Barangay Rizal, Santiago City.

‎Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binabagtas umano ng naturang bus ang nasabing kalsada patungong Barangay San Andres nang biglang tumawid ang motorsiklo mula Agustin Street at pumasok sa linya ng paparating na sasakyan.

‎Ayon sa ulat, nagmenor at agad nagpreno ang driver ng bus ngunit dahil sa lapit ng distansya ay hindi na nito naiwasan ang motorsiklo dahilan upang mabangga ng bus ang kaliwang bahagi ng motorsiklo.

‎Sa lakas ng impact, napunta sa ilalim ng bus ang rider na agad namang rumesponde ng rescue personnel at isinugod sa pagamutan ngunit idineklara rin itong dead on arrival Ng kanyang attending physician.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Acosta Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit, sinabi nito na posibleng hindi napansin ng rider ang paparating na bus sa crossing kaya’t bigla itong sumulpot sa kalsada.

‎Dagdag pa ng opisyal, ligtas naman at walang tinamong sugat ang driver ng bus na residente ng Barangay Malaring ng City of Ilagan, habang ang nasawing rider naman ay mula sa Barangay Salvador, Santiago City.

‎Nagtamo ng pinsala ang harapang bahagi ng bus at kaliwang bahagi ng motorsiklo.

‎Samantala, nagkaroon na ng amicable settlement ang magkabilang panig kung saan nagbigay ng tulong pinansyal ang kumpanya ng bus sa pamilya ng biktima.