Kaya na umanong mapantayan ng ilan sa mga humanoid robots sa China ang speed ng itinuturing na pinakamabilis na tao sa mundo na si Usain Bolt, matapos maglabas ng mga bagong modelo ang dalawang robotics company sa naturang bansa.
Kamakailan, ipinagmalaki ng robotics company na Unitree ang test footage ng kanilang H1 humanoid robot na nakapagtala ng bilis na 10 meters per second (umaabot sa humigit-kumulang 22 miles per hour).
Ang bilis na ito ay halos kapantay na ng average speed ng eight-time Olympic gold medalist sprinter na si Usain Bolt na 10.44 meters per second noong nagtala siya ng world record sa 100-meter dash noong 2009. Bukod sa Unitree, naglabas din ang kumpanyang MirrorMe ng sarili nitong humanoid robot na pinangalanan mismong “Bolt,” na kaya ring tumakbo sa bilis na 10 meters per second.
Isang malaking tagumpay ito sa larangan ng bipedal robot mobility (mga robot na naglalakad gamit ang dalawang paa). Kung babalikan, ilang taon lamang ang nakararaan, ang pinakamabilis na robot na kilala bilang Star1 ay umaabot lamang sa bilis na 8 miles per hour. Ipinapakita nito kung gaano kabilis ang pag-unlad ng teknolohiya at pisikal na kakayahan ng mga robot ngayon.





