Nagkaroon ng tensyon sa isinagawang kilos-protesta ng Bayan at Duterte Panagutin Europe sa harap ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ayon kay Bayan Europe coordinator Lean Jimenez, mapayapa ang unang bahagi ng kanilang protesta kung saan nanawagan sila ng pananagutan laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanyang war on drugs campaign na nauwi sa libo-libong pagkamatay.
Kasabay ito ng confirmation of charges hearing sa ICC, nang magsagawa rin ng kilos-protesta ang mga pro-Duterte supporters sa parehong lugar. Sa gitna ng aktibidad, nagkaroon ng banggaan ng dalawang grupo na nauwi sa sigawan at palitan ng maaanghang na salita.
Ayon kay Jimenez, nakababahala para sa kanila ang naging reaksyon ng kabilang panig, ngunit nilinaw niya na hindi nila itinuturing na personal na kaaway ang mga ito. Giit niya, ang layunin ng kanilang pagkilos ay mapanagot si Duterte at ang iba pang sinasabing sangkot upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng extrajudicial killings.
Patuloy namang nanawagan ang grupo para sa mapayapang pagdinig at hustisya sa mga kaso ng umano’y paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.











