--Ads--

Iniutos ni Pangulong Donald Trump sa Hukbong Dagat ng Estados Unidos na barilin at patayin ang anumang Iraniann Vessel na maglalagay ng mga mina sa Strait of Hormuz—isang hakbang na maaaring makapinsala sa kasalukuyang tigil-putukan sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay Trump nitong Huwebes, paiigtingin din ng militar ang operasyon sa pagtanggal ng mga pampasabog sa lugar. Sa kanyang pahayag sa social media, sinabi niyang, “I have ordered the United States Navy to shoot and kill any boat… that is putting mines in the waters of the Strait of Hormuz. There is to be no hesitation.”

Dagdag pa niya, tatlong beses na mas lalakas ang operasyon ng mga mine sweepers upang linisin ang lugar.

Samantala, iginiit ng mga opisyal ng Iran na handa nilang ipagtanggol ang kanilang bansa at tutugon sa anumang pag-atake ng US. Ang Strait of Hormuz, na dati’y bukas nang walang sagabal bago ang digmaan, ay naging sentro ng tensyon matapos itong isara ng Iran bilang tugon sa kampanya ng US at Israel laban sa Iran.

--Ads--

Ang pagsasara ng Hormuz ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis, na nagbigay ng dagdag na pressure kay Trump sa loob ng Amerika, kung saan ang presyo ng gasolina ay lumampas na sa $4 kada galon mula sa dating $3.

Sa kabila ng tigil-putukan na ipinatupad noong nakaraang buwan, nagpataw si Trump ng naval siege sa mga pantalan ng Iran at nanatili ito kahit inanunsyo ng Tehran ang muling pagbubukas ng Hormuz. Nanindigan ang Iran na ang pag-alis ng blockade ay kondisyon bago muling makipag-usap sa US.

Nagpahayag ang Pentagon na nagsagawa ang US military ng “maritime interdiction” sa isang tanker na may dalang langis ng Iran sa Indian Ocean. Bukod dito, nakahuli rin ang Iran ng ilang banyagang barkong pangkalakalan sa paligid ng Hormuz na umano’y lumabag sa kanilang regulasyon.

Ang patuloy na dueling blockades ng US at Iran ay nagbabadya ng muling pagsiklab ng digmaan, habang nananatiling walang tiyak na deadline ang pinalawig na tigil-putukan.