--Ads--

Umabot sa 146 na magkapareha ang opisyal na ikinasal sa isinagawang Kasalang Bayan sa Santiago City, bilang bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga mag-partner na gawing legal ang kanilang pagsasama.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Congressman Joseph Tan, ikinatutuwa niya ang mga mag-asawang matagal nang nagsasama, lalo na ang mga may anak at sama-samang humaharap sa hirap ng buhay nang may respeto at pagmamahalan.

‎Aniya, mahalagang mapanatili ng mga ito ang matibay na pundasyon ng kanilang relasyon at patuloy na manalig sa Panginoon.

‎Hinimok din niya ang iba pang magkapareha na hindi pa kasal na samantalahin ang mga programang tulad ng Kasalang Bayan upang makamit ang kapanatagan ng isip at mas matibay na samahan bilang pamilya.

--Ads--

‎Samantala, ibinahagi ni Ginang Elinora Cofield, City Civil Registrar ng LGU Santiago, sinabi nito na bagamat hindi na ito ang unang pagkakataon na nagsagawa sila ng Kasalang Bayan, nananatili pa rin umanong hamon ang paghahanda nito.

‎Ipinaliwanag niya na dumaan sa masusing proseso ang recruitment at dokumentasyon ng mga kalahok, ngunit naging maayos ang kabuuang daloy ng programa dahil sa sapat na paghahanda.

‎Dagdag pa niya, malaking tulong ang naturang programa sa mga magkapareha dahil wala silang naging gastusin sa preparasyon, kabilang na ang mga dokumento, singsing, at iba pang pangangailangan sa kasal.

‎Isa naman sa mga tampok na kuwento sa naturang okasyon ang kina Ginoong Alfonso at Ginang Jesusa na limang taon nang nagsasama bago tuluyang nagpakasal.

‎Nabatid na pareho silang biyudo at biyuda na muling nakatagpo ng pag-ibig matapos ang ilang taong pag-iisa.

‎Ayon sa kanilang kwento, nagkakilala sila sa simbahan sa tuwing may mga okasyon. Dalawang taon nang biyudo si Alfonso at walong taon namang biyuda si Jesusa nang sila ay magkakilala.

‎Sa kabila ng kanilang edad at pagkakaroon ng kani-kanilang mga anak walo kay Alfonso at lima kay Jesusa na ipinakita ng kanilang kwento na hindi hadlang ang panahon upang muling magmahal at bumuo ng panibagong yugto ng buhay.