--Ads--

Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kasalukuyang nasa Paris, France si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at umano’y naninirahan sa isang mamahaling 10-bedroom na bahay sa Champs-Élysées.

Ayon kay Remulla, ang naturang property ay malapit sa isang kilalang luxury store at tinatayang nagkakahalaga ng hanggang 200 milyong dolyar o humigit-kumulang P14.18 bilyon.

Dagdag pa ng kalihim, kumpiyansa siyang maibabalik si Co sa Pilipinas bago matapos ang kanyang asylum application sa France.

Si Co ay nahaharap sa kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y anomalya sa P289.5 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

--Ads--

Matatandaang nauna nang iniulat na na-detain si Co sa Prague matapos umano itong maharang sa German border dahil sa problema sa travel documents, ngunit kalaunan ay lumabas na wala na ito sa kustodiya ng Czech authorities at naghain na ng asylum application sa France.

Sinabi pa ni Remulla na patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga awtoridad ng France upang mapigilan ang posibleng pagbibigay ng asylum kay Co.

Samantala, mariing itinanggi ng abogado ni Co ang alegasyon na nagmamay-ari ito ng naturang mansion sa Paris.