Nagbigay-pugay si Vice President Sara Duterte sa lahat ng ina at tumatayong ina sa bansa kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day nitong Linggo, Mayo 10, bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo, pagmamahal, at katatagan sa pag-aalaga at pagpapalaki ng mga anak.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni VP Duterte ang mabigat ngunit makabuluhang papel ng mga ina sa tahanan, kabilang ang walang humpay na pag-aalala para sa kaligtasan ng mga anak, mahabang oras ng pag-aalaga, at patuloy na pagsisikap na mabalanse ang trabaho at pamilya.
Ayon sa Bise Presidente, ang pagiging ina ay isa sa pinakamahirap na tungkulin ng isang babae, ngunit isa rin sa pinaka-kasiya-siyang responsibilidad.
Binigyang-diin din niya na ang mga ina ang nagsisilbing unang guro ng mga anak at itinuturing na matibay na haligi ng bawat pamilyang Pilipino.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga overseas Filipino worker (OFW) mothers na malayo sa kanilang pamilya, na aniya’y nagsasakripisyo ng pisikal na presensya upang maitaguyod ang kinabukasan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Nagpasalamat si VP Duterte sa lahat ng mga ina sa kanilang walang sawang pagmamahal at pag-aaruga, at binati sila sa pagdiriwang ng Mother’s Day.











