Nahuli ang isang 28-anyos na helper matapos maaresto sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok 2, Barangay Buenavista, Santiago City.
Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Police Station 1 ng Santiago City Police Office, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Tantan,” residente ng naturang lungsod.
Nasamsam mula sa kanyang pag-iingat ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.2 gramo, marked money na nagkakahalaga ng ₱1,000, isang Yamaha Mio motorcycle, at isang Vivo Android cellphone na pinaniniwalaang ginamit sa iligal na transaksyon.
Kaagad na isinagawa ng operating units ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon, sa harap ng kinatawan mula sa National Prosecution Service (NPS) at isang opisyal ng barangay, alinsunod sa umiiral na legal na proseso.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Iginiit naman ng Santiago City Police Office na paiigtingin pa nila ang kampanya kontra ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa lungsod. Kasabay nito, nanawagan sila sa publiko na makipagtulungan at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad.











