--Ads--

Nasakote ng mga operatiba ng Santiago City Police Office o SCPO katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 2, Quirino Provincial Office at iba pang law enforcement units ang dalawang hinihinalang drug suspects sa magkahiwalay na anti-illegal drug buy-bust operations sa Santiago City.

Unang naaresto si alyas “Koko,” 43 anyos, isang vendor at itinuturing na street-level individual o SLI sa Barangay Baptista Village. Nakumpiska mula sa kanya ang tinatayang 0.3 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, isang Yamaha Sniper motorcycle at isang cellphone.

Samantala, ikalawang operasyon naman ang isinagawa sa Barangay Mabini kung saan naaresto si alyas “Klaya,” 32 anyos, na kabilang umano sa high-value individual o HVI.

Nakuha mula sa kanya ang tinatayang limang gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P34,000, kasama ang buy-bust money at boodle money.

--Ads--

Ayon sa pulisya, ang mga nakumpiskang ebidensya ay maayos na minarkahan at isinailalim sa inventory sa presensya ng mga kinakailangang saksi alinsunod sa chain of custody procedures at umiiral na legal na pamantayan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang dalawang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang pinaiigting ng SCPO ang kampanya kontra iligal na droga at kriminalidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lungsod.