Nangunguna ang mga barangay ng Rizal, Batal, at Mabini sa naitatalang may pinakamataas na insidente ng vehicular accidents sa Santiago City, batay sa historical data ng mga awtoridad.
Ayon kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., hepe ng Traffic Enforcement Unit, tinatayang 11% ng mga naitatalang aksidente sa kalsada ay iniuugnay sa driver’s error. Kabilang dito ang kakulangan sa disiplina sa kalsada, hindi pagsunod sa umiiral na batas-trapiko, at kakulangan sa kaalaman sa mga ipinatutupad na traffic ordinances.
Dahil dito, mas pinaigting ng mga awtoridad ang implementasyon ng traffic management strategies na nakasentro sa tinatawag na 3E approach: education, enforcement, at engineering, bilang bahagi ng mas agresibong hakbang upang mapababa ang bilang ng mga aksidente sa lansangan.
Ayon pa kay PMaj. Aggabao, prayoridad sa kasalukuyan ang pagpapalawak ng information and education campaign upang mapalalim ang kamalayan ng mga motorista sa responsableng pagmamaneho at mahigpit na pagsunod sa mga regulasyong pang-trapiko.
Paliwanag niya, sa ilalim ng education component, layunin ng programa na i-refresh ang kaalaman ng mga driver sa umiiral at bagong traffic rules at ordinansa, lalo na’t patuloy ang pagbabago sa mga regulasyon sa kalsada.
Dagdag pa ng opisyal, paiigtingin din ang traffic enforcement operations kasabay ng pagtutok sa road engineering measures sa mga tinutukoy na accident-prone areas sa lungsod.
Sa kabuuan, inaasahan ng mga awtoridad na sa pamamagitan ng pinagsamang edukasyon, mahigpit na pagpapatupad ng batas, at maayos na imprastraktura sa kalsada, mababawasan ang mga aksidente sa Lungsod ng Santiago.











