--Ads--

Ipinatutupad na ng Department of Education (DepEd) Region 2 ang bagong three-term school calendar bilang bahagi ng layunin nitong mabawasan ang abala sa mga guro at mas mapokus ang mga estudyante sa pag-aaral.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Octavio Cabasag, Education Supervisor ng Curriculum and Learning Management Division ng DepEd Region 2, nilinaw nito na hindi “trimester” ang tawag sa bagong sistema upang maiwasan ang pagkalito at pagkaka-associate nito sa college semester setup.

Ayon kay Cabasag, ang dating apat na quarters ay hahatiin na ngayon sa tatlong terms o bahagi ng school year habang mananatiling sampung buwan ang kabuuang haba ng klase.

Ipinaliwanag nito na sa ilalim ng bagong setup, magkakaroon ng tinatawag na opening block sa unang linggo ng klase kung saan pagtutuunan ng pansin ang orientation, classroom rules, anti-bullying campaign, socio-emotional learning, at iba pang paghahanda ng mga estudyante, guro, at magulang bago ang regular na pag-aaral.

--Ads--

Sinabi rin ni Cabasag na magkakaroon ng malinaw na paghihiwalay sa instructional time at extracurricular activities upang hindi na maantala ang pag-aaral ng mga estudyante.

Aniya, sa instructional block ay nakatuon lamang ang mga guro at mag-aaral sa actual classroom learning at hindi na papayagang maantala ito dahil sa mga competitions, practices at iba pang co-curricular activities.

Dagdag pa nito, ililipat ang karamihan sa mga extracurricular at co-curricular activities sa tinatawag na end-of-term block na may nakalaang sampung araw kada term.

Sa loob umano ng nasabing panahon ay isasagawa ng mga guro ang remediation activities, pagko-compute ng grades, paglalagay ng records, parent-teacher conferences, teacher trainings at wellness activities para sa mga guro at estudyante.

Paliwanag pa ni Cabasag, layunin din ng bagong sistema na mabawasan ang pag-uuwi ng trabaho ng mga guro dahil nakalaan na sa school calendar ang oras para sa pagko-compute ng grades at iba pang dokumentasyon.

Aniya, sa ikaanim na araw ng bawat end-of-term block ay isasagawa ang parent-teacher conference kung saan tatalakayin ang academic performance ng mga estudyante at kung paano pa sila matutulungan ng kanilang mga magulang at guro.

Binigyang-diin din ni Cabasag na hindi mawawala ang mga legislated activities gaya ng Nutrition Month at Buwan ng Wika ngunit isasagawa na lamang ito sa integrated classroom activities upang hindi makaistorbo sa instructional time.

Samantala, sinabi rin nito na ang mga regional at national competitions ng DepEd ay ilalagay na lamang sa end-of-term schedules upang matiyak na hindi maaapektuhan ang kalidad ng pagtuturo sa loob ng silid-aralan.

Ayon pa kay Cabasag, inaasahan nilang magiging mas organisado, learner-centered at teacher-friendly ang bagong three-term academic calendar ng DepEd.